Alamat ng Bundok Susong Dalaga




Ano nga ba ang istorya tungkol sa maalamat na bundok ng Susong Dalaga?

  Bagong dating siya noon sa San Miguel at habang nakatanaw sa gawing Biak na Bato ay naitanong niya kung bakit may malaking apoy sa kabundukan. Sinagot siya noon ng kanyang Tata Anong na Kantero habang nakatanaw din sa kabundukang iyon ng Biak na Bato. “Nananabako na naman ang higanteng si Minggan. Baga ng tabako ni Minggan ang apoy na iyong nakikita. Nalulungkot na naman si Minggan kaya ganoon!
“Sino ba si Minggan?” tanong niya sa kanyang Tata Anong. At ang kanyang Tata Anong ang nagkuwento sa kanyan ng kadakilaan ng isang pag-iibigan na siyang simbolo ng Bundok ng Susong Dalaga.
Noong araw, nang ang langit ay malapit pa sa lupa, at ang nakatira pa sa daigdig ay mga higante at engkanto ay may dalawang higante na nakatira sa bundok ng Mabio (na kinaroroonan ng Biak na Bato, Susong Dalaga at Silid). Sila ay sina Minggan at Dalaga. Sa kabilang bundok naman sa may gawing Pampanga ay nakatira ang engkantadang si Mariang Sinukuan. Nanliligaw si Minggan kay Mariang Sinukuan, ngunit ayaw rito ng engkantada. Sa kabilang dako naman, lihim na iniibig ni Dalaga si Minggan na hindi naman nakapapansin sa dalagang higante.
Mapilit si Minggan sa panliligaw kay Mariang Sinukuan. At upang mapigil na ang higante sa panliligaw ay idinaan niya ito sa pagsubok. Sabi ni Maria kay Minggan: sige, iibigin kita ngunit sa isang kondisyon – magtatayo ka ng tulay na bato na mag-uugnay sa mga bundok na kinaroronan nating dalawa. At dapat mo itong matapos bago pumutok ang unang silahis ng araw sa umaga.
Pumayag si Minggan. Niyaya niya ang mga kapwa higante upang tulungan siyang gumawa ng tulay na bato na mag-uugnay sa Mabio at sa bundok ni Mariang Sinukuan. At sapagkat mga higante ang katulong kaya madaling nakagawa ng tulay na bato ang mga ito. Ilang oras lang at matatapos na ang tulay at tiyak na matatalo si Mariang Sinukuan. Ang unang ginawa ni Mariang Sinukuan ay ang alisin ang kanyang bundok sa kinalalagyan nito. Inilipat niya ang kanyang bundok sa kasalukuyang kinaroroonan nito ngayon sa Arayat. Dati, ang bundok ni Mariang Sinukuan ay nasa Candaba, kaya nang ialis doon ang bundok ay nakaiwan ng maluwang na hukay o pinak na tinitirhan ng tubig pag tag-ulan. Ngunit kahit na nga inilipat pa ni Maria ang kanyang bundok ay nagpatuloy pa rin sa paggawa ng tulay sina Minggan. Nang makita ni Maria na patuloy na ginagawa ang tulay at malamang na matalo siya ay tinawagan niya ang mga engkantada ng Hangin at Dagat sa Nueva Ecija at Tayabas. Hiniling niya na umihip ito ng malakas upang sa gayon ay mabuwag ang mga itinatayong tulay na bato. Dumaloy din ang malakas na agos ng tubig mula sa Tayabas kaya nakatulong din iyon sa pagkatibag ng tulay.
Ngunit nagpatuloy pa rin sa paggawa ng tulay sina Minggan. Ngunit nasasayang lang ang kanilang pagod. Patuloy na nawawasak ang itinatayo nilang mga tulay. Hanggang sa pagod ay magsiayaw na at magsialis nang lahat ang mga katulong na hingate ni Minggan liban sa isa–si Dalaga na dahil sa pagmamahal niya kay Minggan ay nakahandang magpakasakit. Ngunit patuloy pa ring nawawasak ang itinatayong tulay ng dalawang higante. Hanggang sa may paraang maisip si Dalaga. Hihiga siya sa pagitan ng Nueva Ecija, Tayabas at Bulakan upang sa gayong ay maharang niya ang malakas na hangin at agos ng tubig na nagwawasak ng itinatayo nilang tulay.
Nagtagumpay ang pamamaraan ni Dalaga. Napigil ang malakas na hangin at dating ng agos ng tubig. Naitayong muli ni Minggan ang tulay na bato. At nang malapit nang mapag-abot ng tulay ang Arayat at Mabio ay taimtim na tumawag si Mariang Sinukuan sa Bathala. Ipinakiusap niyang pasikatin na ang araw upang sa gayon ay hindi siya matalo sa pustahan. Sumikat nga ang araw at natalo sa pustahan si Minggan na sa matinding hapis at pagdadalamhati ay nanaghoy nang nanaghoy. Si Dalaga naman ay nangakong hindi na tatayo sa kanyang pagkakahinga habang hindi natatapos ang tulay na bato. Kahit batid ni Dalaga na kapag nabuo at nagkaugnay ang dalawang bundok ng tulay na bato ay mawawala sa kanyang ang minamahal na si Minggan ay nakahanda siyang magpakasakit lumigaya lang ang kanyang minamahal na higante. At nangako si Dalaga na hindi tatayo kailanman sa pagkakahinga hanggang hindi natatapos ang tulay na bato.
Magpapakasakit siya alang-alang kay Minggan. Lumuluha rin si Dalaga. Iniiyakan niya ang kabiguan ni Minggan. At di naglaon, ang mga luhang iyon ni Dalaga ay dumaloy hanggang sa ibaba ng bundok at naging mga bukal. Ang bukal na iyon ang ngayo’y kilalang Sibul Spring. Kaya nga mula sa malayo, makikita ang anyo ng isang babae na nakahiga: may ilong, bibig, baba at dalawang magandang hubog na dibdib na waring sa isang dalaga. Iyon si Dalaga na hanggang sa ngayon ay naghihintay na matapos ang tulay na bato upang makamit lang ni Minggan ang minimithing si Mariang Sinukuan. At ang bahagi ng tulay na batong iyan ay makikita pa hanggang sa ngayon sa may Biak na bato at ang isa naman ay nasa may Sta. Rita sa Kabyaw, Nueva Ecija.
Kaya ang bundok ng Susong Dalaga ay tanda ng pagpapakasakit at pagmamahal. Hindi dapat na wasakin sapagkat kapag winasak ang bundok na iyan, tatamaan ng malakas na ihip ng hangin ang San Miguel at Bulak at ang tubig mula sa Nueva Ecija at Tayabas ay magpapabaha sa dalawang nabanggit na bayan, dagdag ng kanyang Tata Anong. At higit sa lahat, matutuyo ang bukal ng Sibul na ngayo’y siyang pinagkukunan ng tubig ng mga taong nangakatira roon.Ang lahat na iyon ay natatandaan ni Maning. Kaya para kay Maning, sagrado ang bundok ng Susong Dalaga.
Hindi dapat galawin…
Hindi dapat na wasakin.







Comments

Popular Posts