Alamat ng Durian




Sa isang bayan sa Mindanao ay may matandang babae na lalong kilala sa tawag na Tandang During. Nakatira siya sa paanan ng bundok. Ang maliit niyang kubo ay nakatayo sa gitna ng malawak niyang bakuran na naliligid ng mga puno.
Si Tandang During ay karaniwan nang ginagawang katatakutan ng mga ina sa kanilang malilikot na mga anak. Sabi nila ay lahi ito ng mangkukulam kung kaya dapat iwasan.
Si Tandang During ay nasanay nang mamuhay na nag-iisa. Mula nang mamatay ang asawa at mga anak ay hindi na siya umalis sa paanan ng bundok. Tahimik siyang tao at dahil matanda na ay mas ibig pa niyang asikasuhin na lang ang mga tanim na halaman.
Masungit si Tandang During kaya iniiwasan ng mga tao. Noong kamamatay palang ng mga mahal niya sa buhay ay marami ang nag-alok ng tulong ngunit tinanggihan niya. Sa gayon ay unti-unti na ring lumayo sa kanya ang mga tao hanggang maging panakot na lamang siya sa makukulit na mga bata.
Ilang taon ang nagdaan. Ang dati ay makukulit na mga bata ay malalaki na ngunit si Tandang During ay gayon parin. Nag-iisa sa kubo sa paanan ng bundok at hindi naki-salamuha sa mga tao.
Isang gabi ay itinaboy ng hanging amihan ang isang kakaibang amoy sa komunidad. Hindi nila alam kung ano ang amoy na iyon at kung saan galing. Nanatili ang amoy nang sumunod pang mga araw at patindi nang patindi. Nagpasya ang mga tao na hanapin ang pinanggalingan ng amoy.
Nagkaisa silang puntahan ang kubo ni Tandang During nang ma tiyak na doon nanggagaling ang amoy. Hinanap nila ang matanda ngunit hindi nila ito nakita. Sa halip ay nabaling ang pansin ila sa isang puno na ang mga bunga ay may matitigas na balat at matatalim na tinik. Dahil sobrang hinoy ay nagsisimula nang bumuka ang mga prutas. Isang lalaki ang umakyat ng puno para kumuha ng bunga. Nagtakip sila ng ilong nang buksan ang prutas pero pare-pareho ring nasarapan sa lasa ng prutas na iyon. Nagsipitas sila ng mga bunga at iniuwi sa kani-kanilang bahay.
Nang may makasalubong silang isang matanda na tagaibang lugar at itinanong kung ano ang dala nilang prutas ay iisa ang sagot nila. "Bunga ng tanim ni Tandang During 'yan", sabi nila.
During yan ang pagkakaintindi sa kanila ng matanda. Kaya nang bigyan nila ito ng bunga at itanong ng mga kakilala kung ano iyon ay sinabi nitong ang pangalan ng prutas ay during yan. Kalaunan ay nagiging durian.




Comments

Popular Posts